
LUNGSOD CALOOCAN, Hulyo 18 (PIA) — Dahil sa bagong digital system ng Overseas Filipino Bank (OFBank), maaaring magbukas ng bagong account ang mga overseas Filipinos, overseas Filipino workers (OFWs), at ang kanilang beneficiaries sa pamamagitan ng kanilang mobile banking app sa Android o Apple mobile phone.
Ito ang ibinalita kahapon, Biyernes, ni OFBank president and CEO Leila Martin, sa kanyang interbyu sa Laging Handa Public Briefing, na ang lahat umano ng mga requirements para sa pagbubukas ng account ay kailangan lamang ipasa sa pamamagitan ng app.
Gayundin, nagpahayag si Martin ng ilang bagong programa ng naturang bangko hinggil sa online banking.
Sinabi ng opisyal na itong bagong virtual account opening platform ay suportado ng Artificial Intelligence at “lahat ng Filipino, saan mang sulok ng mundo, ganun ang kanilang mga benepisyaryo ay maaari nang makagamit nito sa pamamagitan lamang ng kanilang mga cellphone gamit ang app na ito.”
“Ang OFB ay ang dating Philippine Postal Savings Bank na kumakailangan lang ay inilunsad ang OFBank bilang isang digital only bank sa pamamagitan ng Executive Order #44 noong September 2017,” ani Martin.
“At simula nung ito ay nailunsad at nag bukas kami sa digital banking ay nakakatanggap na kami ng 300 new accounts opening dito sa bagong platform natin,” pahayag niya.
Aniya, ang mga bagong virtual account ay ang OFBank Visa Debit Card para sa mga overseas Filipinos at OFWs, ang OFBank Visa Debit Card para sa kanilang mga benepisyaryo, at ang OFBank Debit Card na para naman sa kanilang mga beneficiaries na 18 years old and below.
“Lahat ng Pinoy (OFW) ngayon ay kailangan ng ganitong produkto na naka link sa kanilang mga benepisyaryo na kung saan kapag nakapag padala sila ay maaarin na itong ma withdraw ng kanilang mga benepisyaryo on the same day na ito ay naipadala.” dagdag ni Martin.
Ang app na ito ay madaling ma download (sa Google at Apple Store) at kaaabikat dito ang E-banking services na mayroon ng mahigit 500 merchants na kung saan maaari silang magbayad ng bills o mag avail ng mga online services.
Ani Martin, bagaman walang physical branch ang OFBank, ay maaari naman magtungo sa alinmang branch ng LandBank na may mahigit 400 na sangay sa buong bansa.
“Considering digital only ang OFBank ay wala kaming physical na sangay. Pero ang kagandahan nito ay kami po ay fully owned subsidiary ng Land Bank of the Philippines. Ang LandBank po ay ang tinatawag namin na parent bank at mayroong 400 na mahigit na sangay sa Pilipinas,” aniya.
“At kung kayo ay kliyente ng OFBank ay pwede po kayong magpunta sa kahit na anong sangay ng LandBank para makuha ang inyong ATM card. At kung ang inyong transaction ay hindi maaari sa mga ATM machine ay maaari po kayong mag over the counter sa mga sangay ng Landbank na pinakamalapit sa inyo,” dagdag pa nito.
Sakali naman mawala ang card, may payo rin ang opisyal sa mga OFBank card holders.
“Sa ating mga kliyente na kapag nawala ang card ay ipagbigay alam agad ito sa aming Customer Care Center at tumawag sa 8405-7000 at kung international toll free naman ay 1800-10405-7000,” payo niya.
“Puede din pong makapag-ugnayan sa aming mga Facebook Pages at sa aming website na www.ofbank.com.ph. At puede din mag email sa customer.care@mail.ofbank.com.ph,” dagdag pa niya.
“Sa pagla lock po ay may Mobilock po ang app natin na puede niyang i-on para in case mawala ay di magagamit ang kanyang account. Kapag pag unlock ng inyong account ay puede din po sa parent bank (LandBank) namin na site na www.lbpiaccess.com dito po ay may makikita kayong field ng report nang lost or stolen card, sundin lamang po ang proseso dito para magamit muli ang online banking. “ paglilinaw ni Martin.
“Ini-encourage namin ang ating mga kababayan na OFW na mag open na po tayo ng OFBank Deposit Account. Hindi po ito nangangailangan ng opening deposit o kahit ng maintaining deposit. Ang fund transfer po nito mula sa OFBank account sa isa pang OFBank account o kahit sa LandBank ay wala pong additional charges. Pero kung sa ibang bank maglilipat ng pondo ay mayroong charges depende po sa existing standard rate,” pag-enganyo ng opisyal. (PIA NCR)
Leave a Reply