KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

Blog Post

Tagalog News: San Jose District Hospital, may mga bagong ipinatutupad

March 14, 2021 Uncategorized
Ipinaliwanag ni Dr. Rowena Amador, opisyal na tagapagsalita ng SJDH, na pangunahing pagbabago sa nabanggit na pagamutan ay ang pansamantalang pagsasara ng out-patient department. (VND/Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mayo 24 (PIA) — Ilang pagbabago ang pinaiiral ngayon sa San Jose District Hospital (SJDH) sa layuning matiyak ang kaligtasan ng mga healthcare worker nito, lalo na ng mga pasyente at nagpapa-konsulta dito, mula sa Coronavirus Disease (COVID-19). 

Ayon kay Dr. Rowena Amador, opisyal na tagapagasalita ng SJDH, pangunahing pagbabago ay ang pansamantalang pagsasara ng out-patient department (OPD). “Marami kasi ang pumupunta sa OPD para magpatingin at mahihirapan kaming ipatupad ang social distancing,” saad ni Dr. Amador. Bilang pampublikong pagamutan na nagse-serbisyo sa mga munisipalidad ng San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan (Samarica), halos araw-araw ay dagsa ang mga nagpapa-konsulta sa nabanggit na pagamutan. 

Kaugnay nito, pinayuhan ni Dr. Amador ang mga kokonsulta, partikular ang mga non-emergency cases, na magtungo muna sa kani-kanilang rural health unit (RHU). Maaari din naman aniyang subukan ang kanilang pinasimulan na online consultation.

“Sa pamamagitan ng aming online consultation, mabibigyan ang mga non-emergency cases ng schedule para sa kanilang konsultasyon sa SJDH,” paliwanag ni Dr. Amador. Aniya, maaring i-access ang ang kanilang online medical consultation sa San Jose District Hospital Facebook page (https://www.facebook.com/ sjdhoccimin/).

Isa pang malaking pagbabago ay sa sistema ng pagtangggap ng mga pasyente kung saan nilagyan ng tatlong lane ang ospital. “Isa ay ang Fever Lane, dito dadalhin ang mga kaso na may lagnat lamang at wala ng iba pang sintomas,” ayon pa rin kay Dr. Amador. Ang ikalawa aniya ay ang emergency lane na tatanggap naman sa anumang uri ng emergency gaya ng naaksidente, manganganak at mga kasong nangangailangan ng operasyon.

“Ang ikatlo ay ang COVID lane o fast lane, na ang daan ay hiwalay sa main building at diretso sa gusali na laan sa COVID-19 cases,” dagdag na kwento ng tagapagsalita ng SJDH. Aniya, isasagawa muna sa fast lane ang assessment ng mga nakakaranas ng lagnat na may kasamang iba pang sintomas ng COVID-19 tulad ng pag-ubo, sore throat, hirap sa paghinga at pagtatae. 

Binigyang-diin ni Dr. Amador na may sariling gusali para lamang sa mga kaso ng COVID-19. Sinadya aniya ng pamunuan ng SJDH na maglaan ng hiwalay na lugar para sa COVID-19, upang matiyak na hindi magkakaroon ng transmission o maihawa ang virus sa iba pang mga ward ng ospital. Dagdag pa ni Dr. Amador, nagtalaga din ang SJDH ng health care workers, utilities at doktor na sadyang para sa COVID-19 ward lamang. 

“Walang dapat ipangamba ang mga gustong magpa-konsulta sa SJDH,” paglilinaw ni Dr. Amador. Binigyang-diin nito na higit ang pinsalang idinudulot ng hindi agad pagdadala ng mga maysakit sa pagamutan dahil sa takot. “Mas mataas ang tsansang mamatay ang pasyente, kapag malubha na ang kondisyon bago dalhin sa ospital,” giit pa ng doktora.

Paalala pa ni Amador, hindi dapat ipagwalang-bahala ang atas ng pamahalaan na physical distancing, pagsususot ng face mask at palagiang paghuhugas ng kamay. Dapat din aniyang palakasin ang immune system sa pamamagitan ng tamang nutrisyon at pagtulog ng sapat na oras. (VND/PIA MIMAROPA)

 

 

source https://pia.gov.ph/news/articles/1042730

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: