KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

Blog Post

Tagalog News: PNP, nagsagawa ng inspeksyon sa mga tindahan ng segunda manong sasakyan 

March 14, 2021 Uncategorized
Personal na ininspeksiyon ni RHPU Chief P/LtCol Erwin Rebellon ang chassis at engine number ng sasakyan upang malaman kung kabilang sa mga ‘hot cars’ na may record sa kanilang tanggapan ang ibinebenta sa lungsod ng Calapan sa isinagawa nilang ‘One Time Big Time’ operation noong Hulyo 3. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hul. 5 (PIA) — Upang masiguro na hindi mga carnap na sasakyan at chop-chop na piyesa ang mga ibinebenta sa mercado sa lungsod ng Calapan, nag inspeksiyon ang PNP Regional Highway Patrol Unit Mimaropa sa pamumuno ni P/LtCol Erwin L. Rebellon sa mga nagtitinda ng segunda manong sasakyan at surplus engines noong ng Hulyo 3.

Ang nasabing operasyon ay nagmula sa ibinabang utos mula sa punong tanggapan ng PNP Highway Patrol Group sa Camp Crame na kung saan dapat na ipatupad ang PD1612 o Anti-Fencing Law of 1979 at RA 10883, ang New Anti-Carnappig Act upang maiwasan ang pagbebenta ng mga nakaw na sasakyan at piyesa sa taongbayan.

Ayon kay Rebellon, “Aming iikutin ang mga tindahan, hindi lamang sa buong lalawigan kundi sa buong rehiyon para matukoy ang gumagawa ng mga iligal na gawain at papanagutin sa batas.”

Sa isinagawa nilang pagiikot sa lungsod, kanilang ininspeksiyon ang dalawang nagbebenta ng mga used cars gayundin sa tatlong nangangalakal ng mga piyesa ng makina at isang talyer. Bukod sa mga sasakyan at piyesa, kanila din tiningnan ang mga business permit ng tindahan at resibo ng mga na-deliver na piyesa na karamihan galing sa Manila. Sa huli ay wala naman aniya silang nakitang lumabag.

“Ang Mimaropa ay gateway patungong Visayas at Mindanao kung saan ay maari nilang ipuslit ang mga nakaw na sasakyan sa ating rehiyon at pagbebenta ng mga chop-chop na piyesa kaya mahigpit ang aming isinasagawang pagmo-monitor sa mga nasabing merkado. Itong aming operasyon ay para din sa kasiguruhan ng kanilang hanapbuhay upang maaga pa lamang ay mahuli na ang mga nambibiktima sa ganitong mga iligal na gawain,” pagtatapos na mensahe ni Rebellon.

Samantala, ilang oras bago isinagawa ang OTBT operation, nag lockdown sila sa Camp Efigenio C Navarro upang inspeksiyunin ang sasakyan ng mga pulis na lumalabas at pumapasok sa kampo kung sila ba ay sumusuod sa batas trapiko. Ayon kay Provincial Highway Patrol Team Leader PCpt Edgardo Lim, tinekitan nila ang 10 pulis dahil umano sa pagdadala ng sasakyan na walang plaka, pagsusuot ng mga hindi otorisadong helmet at iba pa na siyang paglabag sa RA 4136 na may kaugnayan sa batas trapiko.

Sa pahayag ni Lim, “kaming mga pulis ang dapat maging halimbawa sa pagsunod sa batas ngunit nakakalungkot na kapwa pa namin ang nakitaan ng pagsuway kaya dapat din naming silang tiketan dahil ang batas para sa lahat at wala dapat kinikilingan.”

Sa huli, marami din naman aniya sa kanilang mga kabaro ang sumusunod sa batas na siya naman ikinatuwa ng nasabing support group ng kapulisan. (DN/PIA-OrMin)

source https://pia.gov.ph/news/articles/1046692

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: