KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

Blog Post

Tagalog News: Mga magsasaka ng San Jose, may libreng binhi at abono mula sa DA

March 14, 2021 Uncategorized
Sinabi ni OIC- MAO Romel Calingasan na naglaan ang DA ng mga binhi at abono na ipamimigay ng libre sa mga nagtatanim ng palay sa bayan ng San Jose. (VND/PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mayo 6 (PIA) – Ibinalita ni Romel Calingasan, OIC- Municipal Agriculturist ng bayang ito, na kabilang ang San Jose sa tumanggap ng mga libreng abono at binhi, sa ilalim ng Ahon Lahat, Pagkain Sapat (ALPAS) Laban sa COVID-19 ng Department of Agriculture (DA).

“Nabigyan tayo ng 6,600 bags ng hybrid seeds, 4,650 bags ng inbred seeds at karagdagang 1,789 inbred seeds mula naman sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng Philrice,” ani Calingasan. Ipapamigay aniya ang mga ito sa mga nagtatanim ng palay sa munisipalidad na ito.

Ipinaliwanag ng opisyal na kasabay ng mga binhi ay ipamimigay din ang 32,678 bags ng abono, at may sistemang paiiralin sa distribusyon. Aniya, ang bawat sako ng hybrid seeds ay may kasamang tatlong bags ng abono, na dapat tumbasan ng dalawang bags ng kaparehong abono na bibilhin ng benepisyaryo sa kanyang suking supplier. “At para naman sa inbred seeds, dalawang bags ng abono ang aming ibibigay na tatapatan ng dalawa ring bags na binili ng magsasaka sa kanyang suking tindahan.” ayon pa kay Calingasan.

Bawat isang bag ng hybrid o inbred seeds ay sapat sa isang ektaryang sakahan. 

Sinabi pa ng Municipal Agriculturist na ang nabanggit na sistema ng pamamahagi ay titiyak na may kumpletong nutrition requirement ng itatanim na palay. Base aniya sa pag-aaral, ang ideal proportion kada ektarya ng lupang tatamnan ng hybrid palay ay limang bag ng abono at apat naman para sa inbred.  

Samantala, ipinaalala ni Calingasan na tanging mga magsasakang nakatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang mabibigyan ng ayuda. “Mahigpit ang tagubilin ng ating Kalihim na mga nakarehistro lamang (sa RSBSA) ang makikinabang sa Alpas COVID-19 at sa iba pa nilang programa,” pagbibigay- diin ng opisyal. Aniya, ang pagpapalista sa RSBSA ay matagal nang panawagan ng pamahalaan at napapanahong ipakita ng gobyerno kung ano ang mga benepisyong makukuha ng mga tumatalima sa kanilang atas. 

“Bukod sa abono at binhi, sinabi rin ni Secretary Dar na dapat tulungan ang mga magsasaka sa larangan ng kasanayan at teknolohiya,” pahayag pa ni Calingasan. 

Ang Alpas COVID-19 o Plant Plant Plant Program (4Ps) ay tinalakay kamakailan ni DA Secretary William Dar sa isang episode ng Laging Handa Network Briefing. Sinabi ng Kalihim na isa lamang ang Alpas Covid -19 (o 4Ps) sa mga nakalinyang programa ng DA na naglalayong maitaas ang kasapatan sa pagkain ng bansa lalo sa panahong umiiral ang COVID-19 pandemic. (VND/PIA Mimaropa)  

source https://pia.gov.ph/news/articles/1041032

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: