KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

Blog Post

Tagalog News: ICU sa provincial hospitals daragdagan – Laguna Gov. Hernandez

March 14, 2021 Uncategorized

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Hulyo 3 (PIA) –Nangako si Laguna Governor Ramil Hernandez na daragdagan pa ang Intensive Care Unit (ICU) sa iba’t ibang provincial hospitals na nasa ilalim ng pangangasiwa ng pamahalaang panlalawigan.

“Ipinangako ko po sainyo na bukod sa dating nag-iisang Intensive Care Unit (ICU) natin sa Laguna Medical Center- Santa Cruz (LMC) ay magdaragdag pa tayo ng ICU sa iba pang provincial hospital ng Laguna,” sabi ng Gobernador sa kanyang FB post kahapon, Hulyo 2, 2020.

Ayon pa Gov. Hernandez, nagbukas na ang ICU ng provincial hospital sa San Pablo City kamakailan at susunod na ring bubuksan ang ICU ng JP Hospital sa Calamba City.

“Alam nating lubhang may kamahalan ang ma-ICU sa mga pribadong hospital kaya naman tayo ay nagsisikap na magkaroon tayo ng sariling atin sa mga provincial hospital ng Laguna kung saan ay nagagamit po ninyo ang ating Blue card,” ayon pa sa punong ehekutibo ng lalawigan ng Laguna.

Samantala, malugod ding ibinalita ni Gov. Ramil Hernandez sa kanyang FB post Hulyo 1, 2020 ang pagsisimula ng pamamahagi ng allowance sa mga iskolar na magpapatuloy sa mga susunod pang linggo bilang bahagi ng programa nito tungo sa dekalidad na edukasyon ng mga kabataang Lagunense.

“Sa kabila po ng pinagdaraanan natin na pandemya, hindi natin maisasantabi at maaaring kalimutan ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral. Bagamat nasa ilalim tayo ng new normal sa larangan ng edukasyon ay nananatili pa rin ang mga gastusin sa ating pag-aaral,” paglalahad ng Gobernador.

Patuloy niya, “At batid ko rin na karamihan sa ating mga magulang ay mas hirap sa ngayon sa kanilang mga hanapbuhay. Kaya makakaasa kayo na patuloy tayong magtutulungan.”

Humihingi rin ng paumanhin si Gov. Hernandez dahil mas magiging mahaba ang araw ng distribution dahil sa pagtalima sa social distancing para sa kapakanan ng lahat.

“Sa ating mga kabataang mag-aaral, nawa ay patuloy kayong magsikap at mag-aral ng mabuti. Asahan ninyo na hindi ako magsasawa na suportahan kayo dahil ang ikauunlad ng ating bayan ay nakasalalay rin sa inyong mga kamay,” pagtatapos ng Gobernador. (CPGonzaga, PIA-4A at ulat mula kay Gov. Ramil Hernandez FB Page)

source https://pia.gov.ph/news/articles/1046547

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: