KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

Blog Post

Tagalog News: Bagong tricycle number-coding scheme sa Calapan, ipinapatupad na

March 14, 2021 Uncategorized
Pinapaliwanagan ni CPSD Chief Nelson Aboboto sa mga kasapi ng TODA sa bagong patakaran ng pamamasada ng tricycle sa lungsod bilang pagtalima sa umiiral na GCQ sa buong lalawigan na ginanap sa City Plaza Pavilion noong Mayo 2. (Kuha ng CPSD)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mayo 6 (PIA) — Simula noong Mayo 1, ipinapatupad na sa lungsod ang bagong sistema ng pamamasada ng mga traysikel kung saan nilimitahan ang dami nito sa lansangan bunsod ng ipinapairal na number-coding scheme gayundin ang sakay na pasahero habang nasa General Community Quarantine (GCQ) sa buong lalawigan.

Sa pagpupulong ng City Public Safety Department (CPSD), Traffic Management Office (TMO), Calapan City Police Station, City Councilor Ronalee Leachon, Chairperson ng komite ng transportasyon at nasa halos 30 kasapi ng mga Tricycle Operators Drivers Association (TODA) noong Mayo 2 na ginanap sa City Plaza Pavilion kanilang napagkasunduan na ipatupad ang bagong number-coding scheme batay sa huling numero ng prangkisa ng tricycle.

Ayon kay CPSD Chief Nelson ‘Choy’ Aboboto, “Lahat ng mga may prangkisa lamang ang kasama dito, pati mga pumapasada sa gabi ay maaari ng magbiyahe sa araw basta sumunod lamang sa takdang araw ng pamamasada.”

Batay sa Executive Order No. 93-2020, ‘Guidelines for resumption of operation of tricycle for hire in the City of Calapan under a General Community Quarantine,’ kung saan nakasaad dito na ang mga may huling numero ng prangkisa na 1-2 ang siya lamang papasada tuwing Lunes; 3-4 kapag Martes; 5-6 Miyerkules; 7-8 Huwebes; 9-0 Biyernes; habang 1-5 kapag Sabado; at 6-0 tuwing Linggo.

Ibinase din ang ordinansa sa utos ang Department of Transportation (DOTr) na isang pasahero lamang ang maaaring isakay at bawal ang pasahero sa likod ng driver. Dapat may suot na face mask o face shield at gloves ang driver gayundin ang pagkakaroon ng plastic sa pagitan ng driver at pasahero pati lalagyan ng pera kung saan ilalagay ng pasahero ang bayad. Maliban dito, kailangan din idisinfect ang kanilang buong sasakyan upang masiguro na ligtas ang susunod na sasakay.

Samantala, mananatili pa rin ang minimum na pasahe na P10 sa unang dalawang kilometro ng biyahe habang P8 naman ang ibabayad ng mga senior citizens, PWD at estudyante.

Bago nito, nagkaroon ng kalituhan sa pamamasada ang ibang tricycle driver sa unang araw ng GCQ dahil karamihan ay dalawa ang pasahero at hindi nila aniya alam ang bagong batas na ipinatutupad kung kaya pinatigil muna ng PSD at Calapan CPS ang pamamasada at kanila munang pagpupulungan ang utos ng DOTr.

“Wala po kaming ibang maipapakiusap kundi kooperasyon at pang unawa sa mga pagbabago na ating kailagan ipatupad. Ito ay para na rin sa kaligtasan ng lahat at manalangin na lamang na matapos na ang banta ng COVID-19 sa ating lungsod upang makabalik na tayo sa normal na pamumuhay,” pagtatapos ni Aboboto. (DN/PIA-OrMin)

source https://pia.gov.ph/news/articles/1041060

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: