KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

KUWADERNO.COM

Different Genres.

One Name.

One Soul.

One Addicition.

Blog Post

Pagbabawal ng angkas sa mga tricycle, ipinatutupad sa Camarines Norte

March 14, 2021 Uncategorized

DAET, Camarines Norte, Mayo 27 (PIA) –– Hindi na pinahintulutan ang mga pampasadang tricycle sa Camarines Norte na magbiyahe ng may angkas base sa isinagawang Consultative Meeting on Public Transportation ng pamahalaang panlalawigan sa Audio Visual Production Center ng kapitolyo kamakailan.

Sa naturang pagpupulong, pinag-usapan ang mga patakaran tungkol sa public transportation sa ilalim ng ipinapatupad na General Community Quarantine (GCQ) sa lalawigan.

Matatandaang pinahintulutan ng pamahalaang panlalawigan ang pag-angkas sa likod ng drayber ng traysikel kaakibat ng paglalagay ng harang sa pagitan ng drayber at pasahero batay sa naunang executive order na ipinalabas ng gobernador ng probinsya.

Ayon kay Dina David, kinatawan ng Land Transportation Office (LTO), tanging Camarines Norte lang ang may ganitong panuntunan kung kaya’t binigyan diin niyang hindi ito pinahihintulutan base sa kautusang nasyunal.

Aniya, maging pribadong tricycle at hauler ay bawal din ang angkas at isa lamang ang dapat na pasahero.

Sinabi rin niya na tatlong special permits pa lamang para sa biyahe ng van sa mga pangunahing lansangan ang aprubado ng LTO kung saan mas binibigyan ng prayoridad na makapagbyahe ang bus dahil marami itong pwedeng isakay “at a reduced capacity” ganundin ay malimitahan ang mga pampublikong sasakyang bumabiyahe sa kalsada.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Atty. Don Culvera, Unified Incident Commander ng Incident Management Team ng Camarines Norte na hindi na kailangang magpalabas ng bagong Executive Order ang pamahalaang panlalawigan ukol sa bawal na angkas sa tricycle sapagkat nakasaad sa ilalim ng incorporation clause ng kasalukuyang EO na sakaling may pagkakaiba sa kautusang lokal at pambansa ay mas paiiralin ang mas mataas na kautusan.

Base naman sa naging inquiry ni Culvera sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng tugon nito sa “endorsement for approval” ng pamahalaang panlalawigan, nabatid na ang lahat ng “route for special permits” ay mapahihintulutan at inihahanda na lamang ang kaukulang permit.

Pinayuhan din niya ang mga dumalong chairman ng Sangguniang Bayan Committee on Transportation na sakaling magtataas ng pamasahe ang transport sector ng kani-kanilang bayan ay kailangang may aprubadong ordinansa ito.

Binigyan diin naman ni Rey Caceres, provincial director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mahigpit na pagpapatupad ng physical distancing ang dahilan kung bakit hindi pwede ang angkas sa mga motorsiklo kahit pa magkapamilya ang mga ito. Dagdag pa niya na kahit sa loob ng tahanan ay kailangan ding ipatupad ng bawat miyembro ng pamilya ang physical distancing.

Ipinaalala sa pagpupulong na maging sa mga pasahero ng private and government vehicles ay ipinatutupad ang physical distancing. (RBM/ROVillamonte/PG-PIO-PIAV/Camarines Norte)

source https://pia.gov.ph/news/articles/1042998

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: